Submitted by admin on

Sa isang panayam na isinagawa ng Radyo Pilipinas Tuguegarao sa pamamagitan ni Ms. April Jane Racho kay Engr. Raymundo B. Apil, Regional Manager ng NIA Region II noong Enero 9, 2024, ay tinalakay ang mga kahanga-hangang tagumpay na nakamtan ng tanggapan sa taong 2024. Kasali rito ang mga modernong kaparaanan upang masuportahan ang mga magsasaka na mapalago at mapatubigan ang kanilang mga pananim tulad ng Solar-Powered Pump Irrigation Projects (SPIPs) at Alternate Wetting and Drying (AWD).
Inilahad ni Engr. Apil ang direktiba ni NIA Administrator Engr. Eduardo Eddie G. Guillen na alalayan ang mga Irrigators Associations (IAs) at hikayatin silang magkaroon ng dalawang dry cropping season upang maiwasan na maapektuhan ng sunud-sunod na bagyo ang kanilang mga produksyon. Ang mga solar pumps ay sobrang nakakatulong rin lalo na t’wing summer kung saan nararanasan ang kakapusan ng tubig dahil sa el niño.
Kabilang sa mga ibinahagi ni Engr. Apil ay ang maluwag na pagtanggap ng mga magsasaka sa Farming Support Services Program (FSSP) ng ahensya kung saan natulungan ang mga marginalized na magsasaka na magkaroon ng capital o farm inputs kapalit ang target production na 5 metric tons. Dahil sa programang ito, naging posible ang P29/10 kg bigas na sinuportahan at binili naman ng halos 193,675 indibidwal. Ang programang ito ay tunay na may layuning suportahan ang programa ng gobyerno na food security ng bansa.
Nagkaroon rin ng oportunidad si Engr. Apil na isalaysay ang mga paparating na magagandang proyekto ng NIA lalo na sa Bagong taong 2025 katulad ng Tumauini River Multipurpose Project, Delfin Albano-Sto. Tomas Pump Irrigation Project, at Ilaguen Multipurpose Project na makapagpapatubig pa sa karagdagang service area sa rehiyon.